Kinikilala ng Malacañang ang pagkabahala ng mga Filipino na maaring mabiktima sila ng extra judicial killings (EJK).
Base sa 4th quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), walo sa kada sampung mga Pinoy ang nagangamba na maaring mabiktima sila ng extra judicial killings o ang kanilang mga kakilala o kaibigan.
Pagtitiyak ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, hindi target ng anti-drug campaign ng administrasyon ni pangulong Rodrigo Duterte ang mga mahihirap, inosente at ang walang kalaban-labang mga indibidwal.
Kung tutuusin ayon kay Andanar, siyam sa bawat sampung Filipino ang nagpahayag na mas mababa na ang problema sa ilegal na droga sa bansa mula nang maupo sa puwesto si Duterte noong July 1.
Siniguro pa ni Andanar na hindi state sponsored na maituturing ang EJK at mariin din nilang binabatikos ang riding-in-tandem murders na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Andanar, ang murder ay murder at tiyak na hindi ito kukunsintihin ng administrasyon.
Kasabay nito, nagpasalamat ang Malacañang sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob ng publiko kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Andanar, sisigurdahin ng administrasyon na rerespetuhin ang batas at igagalang ang karapatang pantao ng bawat isa.