Umalma ang minorya ng mga konsehal ng Maynila kaugnay sa ginawang pagtapyas sa budget sa mga pampublikong ospital sa lungsod sa taong 2017.
Ayon sa kay Councilor Rey Fugoso, binawasan ng tig-P60 million ang budget ng anim na ospital na pinamamahalaan ng Lungsod ng Maynila o kabuuang P360 milyon.
Inilipat aniya ang budget na nakalaan sana sa Ospital ng Sampaloc, Gat Andres Bonifacio Hospital, Tondo General Hospital, Ospital ng Sta Ana, Ospital ng Tondo at Mother and Child Hospital para naman sa Manila Traffic and Parking Bureau at Manila Tricycle Regulatory Office.
Dahil dito, ayon kay Councilor Bernie Ang, posibleng ang mga mahihirap na pasyente na ang bumili ng kanilang mga dextrose, gamot at iba pang mga pangangailangan.
Sinabi ng minorya sa konseho ng Maynila na nais ng mayorya na ilagay sa MTPB at MTRO ang P360M na tatanggalin sa budget ng ospital upang mapaganda raw ang trapiko sa lungsod sa pamamagitan ng pag-hire ng karagdagang mga empleyado.
Tiniyak din ng minorya na haharangin nila para hindi maipasa sa konseho ang nasabing pagtapyas sa budget sapagkat ang mga mahihirap na Manilenyo ang tiyak na maapektuhan.
Wala pa namang pahayag si majority floor leader Councilor Cassy Sison sa nasabing isyu.