Aguirre, handang magbitiw sa pwesto dahil sa eskandalo sa BI
Sakaling sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte, maluwag na loob na lilisanin ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang kaniyang posisyon kaugnay ng mga nangyayaring eskandalo ng katiwalian ngayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Aguirre, kusa niya itong gagawin kung pakiramdam niya ay nawalan na ng tiwala sa kaniya ang pangulo dahil sa eskandalo na may kaugnayan sa pangingikil ng dalawang opisyal ng BI sa online gambling tycoon na si Jack Lam.
Ani pa Aguirre, wala siyang problema kung kailangan niyang mag-resign o mawala sa pamahalaan, dahil oras na mawalan ng kahit na katiting na tiwala sa kaniya ang pangulo, agad niyang bibitiwan ang posisyon.
Sa kabila naman ng kahandaan na gawin ito, nilinaw ni Aguirre na wala siyang ginagawang hindi tama sa isyu na kinasasangkutan nina Lam at nina Immigration deputy commissioners Michael Robles at Al Argosino.
Paninindigan ni Aguirre, nasa tama ang kaniyang ginagawa.
Ang Bureau of Immigration kasi ay isang ahensya na nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Justice (DOJ), na pinamumunuan ni Aguirre.
Dati nang tinukoy ni Aguirre na pangalawang pinaka-tiwaling ahensya ang BI, sunod sa Bureau of Corrections (BuCor).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.