Planta ng semento sa Digos, sinalakay; mga gamit sinunog

 

Sinilaban ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan ang ilang mga heavy equipment sa isang concrete batching plant sa Brgy. Tres de Mao sa Digos City, Davao del Sur.

Ayon kay LTC. Ronnie Feliz Babac na commander ng Army 73rd Infantry Battalion, sumugod ang mga suspek na armado ng mga handguns sa nasabing batching plant ng Philmix Corp. dakong alas-7:00 ng gabi ng Linggo.

Agad aniyang kinumpiska ng mga ito ang .38 na service firearm ng security guard ng planta na nakilalang si Nelson Lonangil.

Tumakas rin naman agad aniya ang mga ito matapos buhusan ng gasolina ang isang cement batching plant, isang dump truck, dalawang payloaders at isang backhoe at saka sinilaban.

Ani pa Babac, sinubukang habulin ng mga sundalo ang mga suspek ngunit tuluyang nakatakas ang mga ito.

Kaugnay nito ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Digos City Police Office.

Read more...