Duterte dumepensa sa sunud-sunod na foreign trips

 

Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang serye ng kanyang foreign trips mula nang maupo sa Malakanyang.

Paliwanag ni Duterte, kinailangan niya na bumisita sa iba’t ibang bansa, lalo na ang mga kapitbahay sa Asia, dahil ang Pilipinas ang host ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN summit sa susunod na taon.

Sinabi ni Duterte na nagkaroon siya ng pagkakataon na makapulong ang mga leader ng ASEAN members, kung saan napag-usapan ang kani-kanilang mga posisyon ukol sa paghahanda para sa naturang pagtitipon ng regional bloc.

Sa ganitong paraan aniya ay matitiyak na magiging maayos ang gagawing summit.

Mula nang maging presidente ng bansa, sunud-sunod ang overseas trips ni Duterte.

Kabilang sa kanyang binisita ay China, Japan, Vietnam at iba pang bansa, at ang pinakahuli ay sa Singapore.

Nakaharap ni Duterte ang mga lider ng mga naturang bansa, kung saan natalakay din ang malalaking isyu tulad ng territorial disputes at tulong para sa Pilipinas.

 

Read more...