Matapos ipagdiwang ang magandang pagbabago sa hanay ng mga napiling pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF), nasundan naman ito ng lungkot sa mga taong nasa likod ng mga pelikulang ito at kanilang tagahanga.
Naputol kasi ang pagdiriwang nila nang malamang tatakbo lamang ang nasabing film festival sa loob lang ng 10 araw.
Apat na araw itong mas maiksi kumpara sa schedule na ginagamit nila sa loob ng maraming taon, bagaman nakasaad naman talaga sa regulations ng fest.
Kinumpirma ng mga executive committee members na sina Boots Anson-Roa at Moira lang na hanggang January 3, 2017 lang ang itatagal ng MMFF.
Sa kabila nito ay umaasa naman si Jun Robles Lana ng entry na “Die Beautiful” na mapagtanto ng mga cinemas na mayroon talagang manonood ng mga pelikula ngayong taon, at na karapatdapat ito sa extension.
Ngayong taon lang nangyari na hindi pa nakapagbigay ng extension bago pa man maibenta ang kauna-unahang ticket.
Ikinagulat naman ito ng mga nasa industriya, kasabay ng pagkalungkot at pagka-dismaya.
Kabilang na dito si Mae Paner na kabilang rin sa mga screening committee member, dahil nakakalungkot aniya na parang puro pera lamang ang habol ng mga may-ari ng cinemas.
Ayon naman kay direk Joel Lamangan, masyadong maiksi ang 10 araw dahil malabong maisulong ang exposure ng mga pelikulang Pilipino sa ganito kalimitadong panahon.