Express Airport Shuttle service, inilunsad sa Pasay City
Pormal nang inilunsad ang dagdag na rutang dadaanan ng airport bus service na UBE Express.
Kasama sa naturang programa ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Manila International Airport (MIAA) na dinaluhan nila DOTr Assistant Secretary Mark De Leon, LTFRB Board Member Aileen Lizada, Pasay City Treasurer Noli Licano.
Mula Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 hanggang 4, maaari nang daanan ng naturang premium bus ang SM Corporate Offices, hotels at iba’t ibang pribadong establisimiyento.
Ayon kay UBE Express President Garrie David, ang naturang kolaborasyon sa SM ay daan upang makapagbigay nang dagdag ginhawa, komportable at mas mabilis na biyahe para sa mga pasahero.
Ilan sa special feature ng bus ang specialized 24-seats, Euro V at BlueTec engine kung saan malinis na usok ang mailalabas nito at entrance ramping para sa mga PWDs.
Kalakip din sa naturang bus ang CCTV cameras, Wi-Fi connection, online booking service at maging ang GPS tracking device na makakapagtala ng bilis ng takbo at kung saan hihinto ang bus.
Tatlong daang piso ang service fee ng naturang bus sa pamamagitan ng BEEP card, cash o gamit ang credit card.
Ayon naman kay De Leon, maaaring mahal para sa ilan ngunit ang magandang serbisyo at ligtas naman na biyahe ang nakapaloob dito.
Pagsisiguro naman ni David, hindi magiging problema ang dami ng pasahero dahil maghihintay ang nakahandang 42 buses ng 21 hanggang 30 minutes lamang bago ito umalis sa terminal.
Sa ngayon, kasalukuyang nasa P150 promo ang premium bus epektibo hanggang December 30.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.