Mahigpit na pagpapatupad ng Nose-In Nose Out Policy sa EDSA, sinimulan na ngayong araw
Matapos ang isinagawang dry run kahapon, iisyuhan na ng traffic violation tickets ng mga otoridad ang mga pampasaherong bus na lalabag sa Nose In Nose Out policy.
Sa ilalim ng nasabing polisiya, ang mga bus ay hindi pwedeng pumasok at lumabas ng kanilang terminal ng paatras.
Batay din sa polisiya na nakasaad sa MMDA resolution 16-06, bawal nang bumaybay ang mga provincial buses sa EDSA-Timog hanggang EDSA-P.Tuazon Southbound mula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.
Sa inilabas na alternate route ng MMDA, ang mga provincial buses sa EDSA Southbound na magtutungo sa Cubao ay hindi pwedeng lumagpas sa Timog.
Kinakailangan nilang kumanan sa Timog Avenue, kumaliwa sa Sct. Ybardolaza Street at kaliwa sa E. Rodriguez Avenue at kaliwa sa New York Avenue para sa mga pampasaherong bus na ang terminal ay nasa New York.
Kung nasa Cubao naman ang terminal, babaybayin din nila ang parehong ruta at para makarating sa kanilang terminal sa Cubao.
Kung nasa Benitez naman o P. Tuazon ang terminal, didiretso pa ang mga bus pakanan sa Aurora Blvd, at saka kakaliwa ng N. Domingo patungong Banahaw at Benitez, patawid ng P. Tuazon.
Nakasaad din sa nasabing MMDA resolution na bawal sa mga private at public utility vehicles na magsakay o magbaba ng pasahero at mga kargamento sa mismong harapan ng mga bus terminal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.