CPP pinuna ang gabi-gabing patayan sa bansa

 

Pinuna ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang anila’y ‘anti-people at undemocratic’ na polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular na tinutukoy ng grupo ang gabi-gabing kaso ng extrajudicial killing sa bansa na pinangungunahan umano ng mga death squad at maging ng mga alagad ng batas sa kanilang mga police operations.

Bukod dito, nananawagan rin ng malawakang mapayapang pagkilos ang CPP sa buong bansa sa December 26, upang kondenahin ang hindi umano pagtupad sa pangako ni Pangulong Duterte.

Tinutukoy ng CPP ang anila’y pagkabigo ng pangulo na palayain ang lahat ng mga political prisoners na ipinangako umano nito sa kanila.

Ayon sa statement ng grupo, dalawang ulit nang ‘napako’ ang pangako ng pangulo na pakakawalan ang mga political prisoners na naging bahagi ng mga pangako nito noong bago pa man ito maupo sa puwesto.

Kung hindi anila tutuparin ni Pangulong Duterte ang kanyang mga ipinangako, wala nang dahilan upang palawigin pa ang kanilang ipinatutupad na ceasefire.

Bukod dito, kinondena rin ng samahan ang pagpapakalat umano ng mga sundalo sa mga kanayunan sa kabila ng umiiral na ceasefire.

Sa December 26, gugunitain ng CPP-ang kanilang ika-48 taong anibersaryo.

Read more...