Nauna ang sinabi ni Pangulong Digong na mayroon siyang sakit gaya ng migraine at buerger’s disease na resulta ng kanyang paninigarilyo dati at problema sa spine dahil sa aksidente sa motorsiklo.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Bayan Muna Party List Rep. Carlos Isagani Zarate na sa halip na sabihin ni Duterte o ng Palasyo na hindi life-threatening ang sakit, mas mainam kung manggagaling mismo sa duktor ang detalye ng kundisyong-medikal ng presidente.
Naniniwala si Zarate na sa ganitong paraan, mawawala ang mga duda ng mga tao na may malalang sakit tulad ng cancer si Pangulong Duterte.
Tiwala rin si Zarate na hindi mamasamain ng punong ehekutibo kung humingi man ang publiko ng impormasyon sa totoong estado ng kanyang kalusugan, lalo’t kilala naman siyang transparent.
Ayon naman kay Anakpawis Party List Rep. Ariel Casilao, marapat na panghawakan ng taumbayan ang salita ng Presidente ukol sa kalusugan nito.
Mainam din aniyang maging kampante ang publiko na ‘able and fit’ pa rin ang Presidente para sa patuloy na pagbibigay-serbisyo nito sa bansa.