Dalawang intelligence officials ng BI, sinibak na sa pwesto
Sinibak na sa pwesto ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang dalawang intelligence officials ng Bureau of Immigration (BI) na sinasabing may kinalaman din sa pangingikil sa gambling tycoon na si Jack Lam.
Sa department order na nilagdaan ni Aguirre, sinibak sa pwesto sina acting BI intelligence division chief Charles Calima Jr. at technical assistant for intelligence Edward Chan.
Kapwa nabanggit ang pangalan nina Calima at Chan sa alegasyong tumanggap umano ng P20 million na suhol mula kay Lam sina Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles.
Ito ay kapalit umano ng kalayaan ng 600 mula sa 1,316 na Chinese nationals na ilegal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Pampanga.
Sa nasabing kautusan ni Aguirre, kapwa inabisuhan sina Calima at Chan sa kanilang termination na epektibo sa lalong madaling panahon.
Inabisuhan din ni Aguirre si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa pagsibak kay Chan, dahil isa itong Police Superintendent ng PNP na nakatalaga sa BI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.