Nagtapos sa ikatlong pwesto ang Pinay blind singer na si Alienette Coldfire o si Katchry Jewel Golbin sa France Got Talent.
Sa labingdalawang naglaban-laban sa grand finals, nakarating si Golbin sa ikatlong pwesto habang ang itinanghal na grand winner ay ang magician na si Antonio.
Sa kaniyang final performance, inawit ni Golbin ang kantang “When Love is All You Have” ni Jacques Brel.
Umani ito ng standing ovation mula sa mga audience, gayunman, text votes mula sa mga taga-France ang pinagbatayan ng itinanghal na panalo.
Pero sa kabila ng pagiging dayuhan niya sa nasabing bansa ay nakakuha pa rin siya ng 70,000 na boto.
Ani Golbin hindi naging madali para sa kaniya ang makarating sa grand finals ng nasabing talent search competition lalo pa at siya ay dayuhan, habang mga kalaban niya ay taga-France.
Naging tanyag sa nasabing talent search si Golbin nang pinabilib nito ang mga hurado at audience sa kaniyang audition kung saan kaniyang inawit ang French version ng “I Dreamed a Dream” mula sa musical na Les Miserables.
Napaiyak, humanga at binigyan ng standing ovation ng judges at audience ang Pinay singer sa kaniyang pag-awit.
Sa semifinals ay inawit ni Golbin ang “The Windmills of Your Mind” ni Michael Legrand na naging dahilan para makapasok siya sa finals ng France Got Talent.
Bukod sa kaniyang talento sap ag-awit, pinabilib din ni Golbin ang mga mamamayan ng France at mga judge ng France Got Talent sa pagiging bihasa niya sa wikang French.
Panoorin ang performance ni Golbin sa finals na ibinahagi ng isang Pinay sa France sa pamamagitan ng Facebook: