6 patay sa Taiwan dahil sa bagyong Hanna, Metro Manila uulanin dahil sa habagat

Mula sa pagasa.dost.gov.ph

Patuloy na makararanas ng manaka-nakang pag-ulan ang Visayas, MIMAROPA, Zambales at Bataan dahil sa southwest monsoon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cely Ignacio ng PAGASA weather forecasting center na makararanas naman ng maulap na kalangitan at isolated thunderstorm ang Metro Manila, ilang bahagi ng Luzon at Mindanao.

Una nang sinabi ng PAGASA na nakalabas na ng bansa ang bagyong Hanna at nanalasa sa bansang Taiwan.

Sa pagtama ni ‘Hanna’ o Soudelor sa Hualien county, may anim na katao na ang iniulat na nasawi habang apat na iba pa ang nawawala .

Nasa isandaan at dalawa naman ang nasugatan.

Ayon sa ulat ng Taiwan disaster operations center, aabot sa tatlong milyong kabahayan ang nawalan ng kuryente.

Ayon sa Taiwan power company, ito na ang biggest power outage na naitala sa kasaysayan ng Taiwan.

Pinapayuhan pa rin ang mga residente sa Taiwan na mag-ingat sa landslide, flash floods at malakas na hangin.

Taglay ng bagyong Soudelor ang hangin na 137 kilometers per hour at may pagbugso na 173 kilometers per hour./ Chona Yu

 

Read more...