Unemployment rate, pinakamababa sa loob ng 10 taon
Nakapagtala ng bagong record low ang unemployment rate sa bansa sa buwan ng Oktubre, na ayon sa pamahalaan ay pinakamababang antas rin na naabot nito sa loob ng sampung taon.
Sa resulta ng October 2016 Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na ang unemployment rate ng bansa ay bumaba sa 4.7 percent mula sa dating 5.6 percent noong nakaraang taon sa parehong buwan.
Ayon kay Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, sa pagbaba ng unemployment rate nitong Oktubre, ang implied full-year unemployment rate ng bansa ay nasa 5.5 percent, na lumampas pa sa target ng pamahalaan para sa 2016 na 6.5 hanggang 6.7 percent.
Ayon pa sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang employment rate sa bansa na 95.3 percent ay katumbas ng 41.7 milyong Pilipino na may mga trabaho.
Ang pinakahuling employment rate figure rin anila ang pinakamataas sa lahat ng mga October rounds ng quarterly LFS mula noong 2006.
Ani Pernia na pinuno rin ng NEDA, nangangahulugan ito na ang pag-lago ng ating ekonomiya ay mas inclusive na dahil mas dumarami nang mga Pilipino ang nakakapasok na sa labor market.
Pinakamalaking bahagi ng employment rate na ito ay mula sa lumalagong business process outsourcing (BPO) at tourism industries na may ambag na 54.9 percent sa total employment o katumbas ng 22.9 percent ng mga Pilipino.
Sumunod naman ang construction na malaki ang naitulong sa industry sector na nakapagbigay ng 17.2 percent sa employment rate o kabuuang 7.2 milyong trabaho.
Gayunman, lumabas rin sa October 2016 LFS na bahagyang tumaas naman ang underemployment rate sa bansa sa 18 percent mula sa 17.6 percent noong nakaraang taon.
Ayon sa PSA, ang underemployed ay ang mga empleyado na nais magkaroon pa ng additional working hours sa kanilang kasalukuyang trabaho, o kaya ay karagdagang trabaho.
Ito rin ang kakulangan ng mas magandang trabaho para sa mga kasalukuyan nang may trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.