Ilang oras lang matapos niyang igiit sa isang talumpati na hindi siya mamamatay tao tulad ng tingin sa kaniya ng mga kritiko, may sinabi naman si Pangulong Rodrigo Duterte na tumaliwas agad dito.
Sa sumunod niyang talumpati sa Malacañang noong Lunes ng gabi kung saan kaharap niya ang mga negosyante, tahasan niyang sinabi na personal siyang pumapatay ng mga drug addicts noong siya pa ay mayor ng Davao City.
Ayon kay Duterte, mismong siya ang gumagawa nito noon sa Davao upang ipakita sa mga pulis na kung kaya niyang gawin, walang dahilan para hindi ito magawa ng mga otoridad.
Kwento ng pangulo, sakay ang kaniyang big bike, nag-iikot o nagpa-patrulya siya sa lansangan para maghanap ng gulo kung saan siya ay makakapatay sa engkwentro.
Iginiit naman ni Duterte na ang mga pambabatikos sa kaniyang diskarte sa kampanya niya laban sa iligal na droga ay hindi makakapigil sa kaniya sa pagpapatuloy nito.
Hinamon pa niya ang mga kritiko niya na patalsikin o i-assasinate siya, lalo’t lagi naman din siyang inaatake ng migraine.
Ilang oras bago ang talumpati niyang ito sa harap ng mga negosyante sa Wallace Businesss Forum, sinabi ni Duterte sa Outstanding Filipino Awards for 2016 na hindi siya mamamatay tao at hindi niya ikinatutuwa ang duguang pag-handusay ng bangkay ng isang Pilipino.
Idinagdag pa ng pangulo na ayaw naman niya talagang mamatay ang mga ito at na hindi niya ito ipinagutos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.