VAT-free na bilihin, matatamasa na ng mga PWD bago mag-Pasko
May pahabol na pamasko ang pamahalaan para sa mga persons with disabilities (PWDs) ngayong taon.
Ito ay dahil magagamit na nila ang kanilang extended benefits tulad ng exemption sa value-added-tax (VAT) sa mga bilihin at serbisyo simula December 23.
Nalagdaan na kasi noong December 1 ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. 10754 na kilala rin sa tawag na “An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disabilities.”
Sa ilalim nito, mabibigyan ng VAT exemption ang mga PWDs sa ilang mga bilihin at serbisyo mula sa lahat ng mga establisyimento bukod pa sa kanilang 20 percent discount.
Upang malaman rin ng kung ano ang mga pribilehiyo at benepisyo para sa mga PWDs, nakasaad rin sa batas ang paglalagay ng mga signages tungkol dito sa mga establisyimento.
Sakop ng batas na ito ang mga restaurants, recreation centers at lodging establishments, pati na sa pagbili ng mga gamot, medical at dental services, domestic air, sea and land transportation travel, gayundin sa funeral at burial services.
Nakasaad rin dito ang pagbibigay ng tax incentives para sa mga kaanak na kasama at nag-aalaga sa mga PWDs na aabot hanggang fourth degree of relation.
Pinaalala naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi papayagan ang double discounts, tulad na lamang ng kung parehong mayroong PWD at senior citizen IDs ang isang indibidwal, isa lamang sa dalawa ang maari niyang gamitin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.