Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, magdamag na inulan

Magdamag na inulan ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dahil sa umiiral na Low Pressure Area (LPA).

Sa abiso ng PAGASA, ang LPA ay huling namataan sa 75 kilometers South Southeast ng Alabat, Quezon.

Mula alas 12:30 ng madaling araw kanina, nakataas na ang yellow rainfall warning sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan sa Region 3 at 4-A.

Pero alas 6:00 ng umaga, tanging sa lalawigan ng Laguna at Rizal na lamang umiiral ang yellow rainfall warning na tatagal hanggang alas 9:00 ng umaga.

Inabisuhan ng PAGASA ang mga residente sa dalawang lalawigan hinggil sa posibleng pagbaha.

Samantala, sa weather forecast ngayong araw, sinabi ng PAGASA na maaring magdulot ng flashfloods at landslides sa mga lalawigan ng Quezon, Rizal at Laguna dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan na maaring maranasan ngayong maghapon.

Sa Metro Manila naman, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol, Visayas at lalawigan ng Batangas at Cavite, light hanggang moderate na pag-ulan lamang ang iiral na mayroong thunderstorms.

Habang mahinang pag-ulan ang mararanasan sa mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera at Cagayan Valley.

 

Read more...