Oplan Isnabero, sisimulan na bukas

By Kabie Aenlle December 13, 2016 - 04:30 AM

 

Inquirer file photo

Dahil malapit na ang holiday season, simula bukas, Miyerkules, December 14 ay magpapakalat na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit 100 sa mga tauhan nito sa iba’t ibang mga malls sa Metro Manila.

Ito ay para sitahin ang mga taxi drivers na namimili at tumatangging magsakay ng mga pasahero, o iyong mga nangongontrata lalo na ngayong dadagsa na naman ang mga tao sa mga shopping malls.

Sa Oplan “Isnabero” campaign ng LTFRB, maglalagay sila ng assistance desks sa mga taxi bays ng mga malls lalo na sa mga araw na malapit na sa Pasko at bagong taon.

Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra III, sa mga ganitong panahon sila pangkaraniwang nakatatanggap ng maraming reklamo laban sa mga taxi drivers na mapang-abuso sa mga pasahero.

Sa ilalim ng kampanyang ito, 30 enforcers at 90 iba pang empleyado ng LTFRB ang ipapakalat sa Araneta Center, Starmall, Landmark, SM, Robinson Malls at Ayala Malls.

Hinihikayat naman ng LTFRB ang kanilang mga regional offices na gawin din ang ganitong kampanya sa kani-kanilang mga lugar.

Ayon pa kay Delgra, titiyakin ng kanilang mga tauhan na may mga coin boxes ang bawat taxi at na hindi ito mangongontrata o tatangging magsakay ng pasahero depende sa lugar na paghahatiran.

Oras na makatanggap ang LTFRB ng reklamo laban sa isang taxi driver, pagmumultahin siya ng P5,000 at kapag third offense na, P15,000 na ang multa at tatanggalan na rin siya ng prangkisa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.