Trillanes, binanatan si Gordon dahil sa EJK report

By Kabie Aenlle December 13, 2016 - 04:00 AM

 

Mula sa inquirer.net

Sumiklab ang tensyon sa pagitan nina Senators Antonio Trillanes IV at Richard Gordon nang ilabas sa plenaryo ang joint committee report na nagsasabing hindi napatunayan ang pagiging state-sponsored ng mga pagpatay sa bansa.

Iprinisinta ni Gordon ang nasabing report bilang chair ng Senate committee on justice na namuno sa imbestigasyon ng umano’y extrajudicial killings sa bansa, na kaugnay rin sa Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan naman ni Sen. Panfilo Lacson.

Binanatan kasi ni Trillanes ang naging sponsorship speech ni Gordon, at sinabing bilib na sana siya kung hindi lang ito nag-mistulang opening statement ng counsel na nagtatanggol kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Trillanes, sinasabi sa committee report na walang ebidensya, pero nababahala aniya siya dahil naaalarma ang buong mundo sa nangyayari sa bansa, pero, ang komite na dapat naglalabas ng katotohanan ay ipinahinto bigla ang imbestigasyon.
Pinatutsadahan niya rin si Gordon at sinabing hindi ito tungkol sa walang nahanap na ebidensya, kundi maaaring hindi lang talaga nag-imbestiga si Gordon.

Pinuna rin ni Trillanes na noong nagsisimula pa lamang ang imbestigasyon ng joint panel, nasa 3,000 katao pa lang ang naitatalang napapatay sa giyera kontra droga, pero dumoble na ito sa paglabas ng kanilang report.

Payo pa ni Trillanes, isulong ang paggamit ng open sources na magpapakita ng mga video recordings ng pag-amin kabilang na ang mga pangako noong kampanya at mga policy pronouncements ni Pangulong Duterte.

Hindi rin kinagat ni Trillanes ang katwiran na nanlaban lang sa mga otoridad ang mga suspek dahil kung sakali, ito na ang pinakamaraming nanlaban na suspek sa kasayasayan sa loob lang ng anim na buwan.

Iginiit rin ng senador na hindi totoong pumunta siya sa opisina ni Gordon para humingi ng tawad kaugnay sa pagpayag niya na umalis sa Senado noon si Edgar Matobato.

Kinailangan tuloy suspindehin ni Senate President Pro Tempore Franklin Drilon ang pagdinig upang palamigin ang tensyon sa pagitan ng dalawa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.