Duterte: Hindi ako mamamatay tao

By Kabie Aenlle December 13, 2016 - 04:37 AM

 

duterte-in-Malaysia-8-620x413Pinabulaanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nagiging pananaw na sa kaniya ng publiko ngayon bilang isang mamamatay tao.

Sa kaniyang talumpati sa The Outstanding Filipino Awards for 2016 sa Malacañang, iginiit ni Duterte na hindi siya “killer.”

Ayon sa pangulo, hindi niya ikinatutuwa o ikinagagalak kapag may isang Pilipinong duguang nakabulagta.

Sinagot rin ng pangulo ang mga kritisismo sa kaniya na kinukunsinti o hinihimok niya ang extrajudicial killings sa mga drug suspects.

Ani Duterte, ayaw naman niyang mamatay ang mga ito at hindi niya ito iniutos, pero hindi na niya ito ipinaliwanag pa dahil katwiran niya, hindi niya maaring ipaliwanag ang lahat sa bansang ito.

Sa kabila rin ng pagtawag sa kaniya ng publiko bilang “the Punisher,” sinabi ng pangulo na mayroon siyang malalim na paniniwala sa Panginoon at na naniniwala rin siya sa karma.

Aniya pa, sa tuwing may aaprubahan siyang pag-bili ng mga baril at bala, nakokonsensya siya dahil alam niyang gagamitin ang mga ito ng mga Pilipino laban sa kapwa Pilipino.

Gayunman, iginiit rin niya na hindi siya aatras sa laban kontra iligal na droga, kahit na aminado siyang nahihirapan na din siya sa problemang ito ng bansa.

Nais na aniya niyang maiyak dahil pakiramdam niya ay hindi niya ito kayang gawin, kaya humingi na rin siya ng tulong kay House Speaker Pantaleon Alvarez.

Inihalintulad na rin ng pangulo ang Pilipinas sa Colombia dahil sa pagiging narco-state na nito, at sa labis na paglaganap ng bentahan ng iligal na droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.