Panukalang 2017 budget, ngayong linggo na inaasahang maaaprubahan sa Kongreso
Inaasahang maihahabol ng Kongreso ang pag-pasa sa panukalang P3.3 trillion national budget sa mga huling araw bago mag-holiday recess ang mga mambabatas sa Miyerkules.
Umaasa ang mga senador na mareresolbahan na nila ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng Senado at ng Kamara kaugnay sa budget sa kanilang pagpupulong sa Martes, upang maaprubahan na nila ito pagdating ng Miyerkules.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III, inaasahang maipapasa na ang panukalang budget sa mga natitira nilang session days.
Mag-aadjourn na kasi ang Kongreso sa Miyerkules at sa January 15 na ang kanilang pagbabalik.
Ayon naman kay Majority Leader Vicente Sotto III, magaganap ang bicameral conference para i-reconcile ang panukalang budget bukas, at hindi ngayong araw tulad ng naunang pinlano.
Nahinto kasi ang usapin sa pag-tutol ng Kamara na panukala ng Senado na alisin ang P8.3 billion sa kanilang bersyon na inilaan nila sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), at ilipat sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Sen. Panfilo Lacson kasi ang nakakita at nagsulong ng nasabing cuts and transfer sa pondo para maialis ito sa bersyon ng Senado sa nasabing panukala.
Naniniwala kasi si Lacson na malalabag ng DPWH ang Organic Act ng ARMM kung sila ang magpapatupad ng mga proyekto sa rehiyon.
Bukod dito, iginiit rin ni Lacson na mabubuhay lang muli ang pork barrel para sa mga mambabatas na mapapayagang magpatupad ng kanilang mga proyekto.
Samantala umaasa naman si Sotto na papayag na ang Kamara sa panukala ng Senado na huwag alisin ang P8.3 billion at sa halip ay ilaan na lamang para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para sa mas mura o libreng edukasyon para sa mga mahihirap pero karapat-dapat na mag-aaral sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.