VMMC, bubuksan na para sa mga motorista
Bubuksan na ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa mga motorista ang Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City para makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko ngayong holiday season.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority General Manager Thomas Orbos, makakaginhawa ng husto sa mga motorista ang kalsada sa loob ng VMMC lalo na’t mabigat ang trapiko sa North at Mindanao Avenue.
Sakaling mabuksan na ito sa trapiko, ang mga sasakyan na dumadaan sa North Avenue ay maaari nang pumasok sa main gate ng VMMC at lumabas sa gate 2 papuntang Mindanao Avenue.
Bubuksan ang nasabing mga gate simula alas sais ng umaga hanggang alas nueve ng umaga at alas kwatro ng hapon hanggang alas siyete ng gabi.
Ayon naman kay Neomie Recio, MMDA Traffic Discipline Office director, ang nasabing hakbang ay inaasahang makababawas sa mabigat na daloy ng trapiko sa Mindanao at North Avenue.
Una nang inanunsiyo ng I-ACT na bubuksan na din ang Camp Aguinaldo sa mga motoristang dumadaan sa EDSA na papunta sa may bahagi ng Katipunan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.