IS, nanawagan ng pag-atake sa mga US bases sa Bahrain

 

Nanawagan ang Islamic State group sa kanilang mga taga-sunod na maglunsad ng mga pag-atake sa Bahrain, kabilang na ang isang isla kung saan may mga naka-istasyong sundalong Amerikano.

Nasa Bahrain ang US Navy’s 5th Fleet, pati na rin ang ginagawa pang British naval base.

Umapela ng karahasan ang IS sa isang video, na itinaon pa nila ang paglabas ilang araw bago ang nakatakdang pagbisita ni US Defense Secretary Ash Carter sa Bahrain para sa Manama Dialogue.

Nakatakdang magbigay ng opening address si Carter sa nasabing event, na dadaluhan rin ni British Foreign Secretary Boris Johnson.

Inilabas ng IS ang nasabing propaganda video, makaraan ang patuloy na pagkawala ng kanilang mga inangking teritoryo dahil sa pag-atake ng mga US-led coalition laban sa kanila sa Iraq at Syria.

Tiniyak naman ng pamahalaan ng Bahrain na nananatili silang mapagmatyag laban sa anumang aktibidad ng mga terorista.

Patuloy lang anila ang isinasagawang mga pag-iingat ng kanilang mga otoridad upang masiguro ang seguridad at stability sa kanilang kaharian.

Noong Miyerkules lamang ay naroon naman si British Prime Minister Theresa May, at noong nakaraang linggo naman ay sina Prince Charles ng Britain at misis niyang si Camilla.

Tulad ng dati, layon pa rin ng mga extremists na paghiwalayin ang mga Sunni at Shiite muslims.

Read more...