Naglatag ng mga kundisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad na pagsuko ng big time on-line gaming operator na si Jack Lam.
Sa press briefing sa Kampo Crame, kinumpirma ni Philippine National Police chief Director Gen. Ronald Dela Rosa na sang-ayon sa direktiba ng pangulo, dapat ay bayaran ni Lam ang mga dapat bayaran sa gobyerno.
Maliban dito, dapat ayusin ni Lam at i-renegotiate ang kanyang kontrata sa PAGCOR o Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Giit ni Bato, hindi papayag ang pangulo na maisahan ni Lam ang Pilipinas sa pamamagitan ng pandaraya sa buwis na dapat bayaran lalo na at malaki naman umano ang kinikita ng negosyo ni Lam sa Pampanga.
Dagdag pa ng PNP chief, maituturing na economic sabotage ang ginagawa ni Lam na nagpasok ng mga Chinese national sa bansa para magtrabaho sa kanyang establisyimiento nang walang kaukulang work permit.
Nauna nang sinabi ni Bato na nagpadala na ng surrender feeler si Lam sa pamamagitan nang isang emisaryo at ipinahayag ang intensyon nitong bumalik ng Pilipinas para sumuko.