Mga pulis na nakapatay kay Espinosa, sumunod lang sa utos ni Duterte

duterte_makes-squareIginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makukulong ang mga pulis nas umano’y sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr.

Ayon sa pangulo, hindi niya ito hahayaang mangyari dahil sinunod lang aniya ng mga pulis ang kaniyang utos na magpaputok sakaling pumalag ang suspek.

Wala ring pakialam si Duterte sa pagkamatay ni Espinosa dahil aniya, nararapat lang ang sinapit ng pulitikong hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Muli ring iginiit ng pangulo na magpapatuloy ang kanyang kampanya kontra iligal na droga hangga’t nananatili siya sa puwesto bilang pangulo.

Ani pa Duterte, bagaman ‘murder’ ang naging resulta ng imbestigasyon ng NBI, mas paniniwalaan pa rin niya ang pulisya sa sinasabi ng mga pulis na nanlaban si Espinosa.

Giit pa nito, nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan bilang pangulo ang Department of Justice at NBI.

Matatandaang sinampahan na ng kaso ng NBI ang mga opisyal at tauhan ng CIDG Region-8 matapos lumabas sa kanilang imbestigasyon na ‘rubout’ ang nangyaring pagpatay kay mayor Espinosa.

Samantala, una naman nang inamin ni Pangulong Duterte na siya ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang pag-relieve sa pinuno ng CIDG-8 na si Supt. Marvin Marcos.

Ayon kay Duterte, pinatawag niya si Presidential Special Assistant Christopher Go kay Philippine National Police chief Director Gen. Ronald dela Rosa upang pigilan ang pag-relieve kay Marcos.

Katwiran ng pangulo, iniimbestigahan niya ang umano’y pagkakasangkot ni Marcos sa kalakalan ng iligal na droga kaya kung matatanggal ito sa pwesto ay hindi na niya ito masusundan.

Gayunman, sinabi rin ni Duterte na positibong sangkot nga ang pagkakadawit ni Marcos sa iligal na droga.

Read more...