Report ng Senate committee sa EJK, basura ayon kay Trillanes
Tinawag ni Sen. Antonio Trillanes IV na basura at isang “cover-up”ang report ng Senate committee on Justice na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon kaugnay sa mga umano’y extrajudicial killings sa giyera ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Bukod dito, tinawag rin ni Trillanes si Gordon na tuta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-init ang ulo ni Trillanes sa naging resulta at mga rekomendasyon na nakasaad sa naturang committee report na inilabas ni Gordon matapos ang mga pagdinig na ginawa ng kaniyang komite kaugnay sa extrajudicial killings.
Ayon kay Gordon, walang nakita ang kanilang komite na anumang nakapagpapatunay sa umano’y nagaganap na extrajudicial killings sa
mga isinasagawang police operations laban sa mga drug suspects.
Dagdag pa sa nasabing report, wala rin silang nakuhang proof of existence ng Davao Death Squad na umano’y binuo ni Pangulong Duterte bilang dating alkalde ng Davao City.
Ayon pa kay Trillanes, ipinakita lamang ni Gordon na isa siyang collaborator ni Duterte, at ang tanging layunin lang niya ay ang pag-takpan ang mga maling gawain ng kaniyang “political master.”
Giit pa ni Trillanes, sino na ang ituturong responsable sa nasa 6,000 nasawi sa mga police operations at pinatay ng mga vigilante sa loob ng nagdaang limang buwan.
Binanatan rin ng senador ang aniya’t “twisted logic” ni Gordon dahil bagaman pinaniwalaan nito ang pagpatay ni Edgar Matobato kay Sali Makdum noong 2002, hindi naman nito pinaniniwalaan na si Duterte ang mastermind ng DDS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.