Kahit iniuugnay kay Jack Lam, Sec. Tugade ipinagtanggol ng DOTr
Pinabulaanan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga alegasyon na ang kanilang kalihim na si Arthur Tugade ay naging protektor ng mga iligal na operasyon ng casino tycoon na si Jack Lam.
Ayon kay Asst. Transportation Sec. Cherie Mercado, bagaman nakilala ni Tugade si Lam noong siya pa ay presidente ng Clark Development Corp. dahil sa pagiging locators ng casino tycoon, hindi ibig sabihin nito na sangkot na sa masamang gawain ang kalihim.
Reaksyon ito ng DOTr kasunod ng kampanya ng Road Users Protection Advocates (RUPA) para patalsikin si Tugade sa pwesto.
Inilarawan pa ni Mercado si Tugade bilang isang “upright man” na kinasusuklaman ang katiwalian.
Ipinunto pa ni Mercado na kahit pa sa Clark Freeport ang operasyon ng Fontana Leisure Parks and Casino ni Lam, wala namang hurisdiksyon ang CDC para magbigay ng mga online gambling permits.
Sa katunayan aniya, napakahigpit ni Tugade sa pagbibigay ng mga business process outsourcing permits upang matiyak na hindi ito nagagamit sa online gambling.
Dinipensahan rin siya ni CDC president Noel Manankil na dating vice president for finance ni Tugade, at sinabing napakahigpit ng mga panuntunan sa mga casino noon sa Clark sa termino ni Tugade.
Ipinasara pa nga aniya ni Tugade ang isang malaking casino dahil sa hindi pagbabayad ng hati ng pamahalaan, at na mahigpit rin ito sa pag-eendorso ng work permits ng mga dayuhan sa Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.