Pinay na visually impaired, pasok sa finals ng France Got Talent
Nakapasok sa France Got Talent Finals ang visually impaired na Pinay singer na si Katchry Jewel Golbin o kilala na sa pangalang Alienette Coldfire sa naturang bansa.
Kinumpirma ng ina ni Katch na si Estrella San Felix Golbin na pasok na ang anak sa finals ng France Got Talent.
Isa aniya ang anak sa mga semi-finalists at pinaboran ito ng mga judges na mapasama sa sampung finalists.
Todo handa na si Golbin sa performance niya sa finals.
Totally blind si Katch matapos itong ipanganak na pitong buwan pa lang o premature.
Pero kahit bulag ay nagtapos ang singer na tubong Capiz ng AB English sa Central Philippine University.
Dagdag ng ina, bata pa lang ay nakitaan na ng talento ang anak sa pag-awit hanggang sa sumali ito sa mga singing competitions.
Unang pinahanga ni Golbin ang mga hurado sa pagkanta nito ng awiting “I Dreamed a Dream” mula sa Les Miserables.
Napaiyak pa ang French Judge na si Helene Segara dahil sa emosyonal na rendisyon ni Golbin sa nasabing awitin.
Si Golbin ay unang nakilala matapos na mag-viral sa Youtube ang kaniyang video habang inaawit ang “I’ll Be There” ni Mariah Carey.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.