Pinaboran ng US Supreme Court ang kumpanyang Samsung sa kasong isinampa laban dito ng Apple dahil umano sa pangongopya ng disenyo ng kanilang smartphone.
Naging unanimous na 8-0 ang desisyon ng Korte Suprema na maghuhudyat upang maibalik sa mababang hukuman ang kaso.
Dahil sa desisyon, posibleng hindi na kailangang pagbayarin ang Samsung ng 399 milyong dolyar na hinihingi ng Apple na una nang pinaboran ng dalawang mababang hukuman.
Ang $399 million ay ang hinihinging danyos ng Apple dahil umano sa nawalang kita nila nang gayahin ng Samsung ang ilang bahagi ng kanilang disenyo.
Nagsimula ang legal battle ng dalawang giant phone company noong 2011 nang idemanda ng Apple ang Samsung dahil umano sa pangongopya ng huli sa ilang bahagi ng disenyo ng smartphone kabilang na ang makulay na ‘grid’ ng mga app icons.
Gayunman, iginigiit ng Samsung na hindi dapat sila pagbayarin ng kabuuang sinisingil ng Apple na umano’y nawala sa kanilang kita dahil hindi ang buong unit ng cellphone ang pinag-uusapan sa kaso kung hindi ang ilang bahagi lamang nito.