Pagyayabang ni Robredo sa HUDCC hindi pinalampas ng kampo ni Binay
Pinalagan ng kampo ni dating Vice President Jejomar Binay ang naging pahayag ng kanyang successor na si Vice President Leni Robredo ukol sa pagiging pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC.
Sinabi ni Robredo na siya lang ang pinakamasipag sa lahat ng naging pinuno ng HUDCC makalipas lamang ng limang buwan sa tungkulin.
Ayon kay Joey Salgado, taga-pagsalita ni Binay, hindi patas at tila maituturing na pagbubuhat ng sariling bangko ang nasabing pahayag ng bise presidente.
Hindi aniya nila kinukwestyon ang work ethics ni Robredo pero hindi tama na ituring niya ang kanyang sarili na pinakamasipag lalo na’t pinamunuan din ni Binay ang nasabing ahensya.
Dagdag pa ni Salgado, marahil ay hindi alam ni Robredo ang work ethics ni dating Vice Pres. Binay nang sabihin nito na siya lang ang HUDCC chairperson na dumadalo sa mga board meeting at nagtatrabaho ng Sabado at Linggo.
Giit ng tagapagsalita ni Binay, hindi tama na tinatapakan ang ibang tao para lamang maiangat ang sarili.
Matatandaang nagsilbi rin bilang HUDCC chairman at Presidential Adviser on OFW Affairs si Binay bago pa magbitiw sa gabinete noong June 2015.
Habang si Robredo naman ay nagbitiw rin bilang housing czar kahapon dahil sa ‘irreconcilable differences’ sa pagitan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.