Palasyo: Mga kontra sa administrasyon, malayang umalis sa Gabinete
Iginiit ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga miyembro ng Gabinete.
Sinabi ito ni Evasco kasunod ng kontrobersyal na pagbibitiw sa pwesto ni Vice President Leni Robredo bilang housing czar ng pamahalaan.
Ayon pa kay Evasco, bilang isang miyembro ng Gabinete, dapat ay hindi na isinasapubliko pa ang mga pag-taliwas ng sinuman sa kanila sa paninindigan ng Gabinete o ng administrasyon.
Banat ito ni Evasco kay Robredo na kamakailan ay panay ang paglalabas ng kaniyang mga saloobin at hindi pagsang-ayon sa mga polisiya ng pamahalaan, lalo na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya naman ayon kay Evasco, malayang makaaalis ng Gabinete ang sinumang hindi kayang sumang-ayon sa mga polisiya ng pangulo.
Paliwanag pa niya, personal na itinalaga ng pangulo ang bawat miyembro ng Gabinete kaya naman nasa kaniya na rin ito kung aalisin niya ang sinuman sa mga ito base sa mga kadahilanang siya lang ang nakakaalam.
Sa punto pa lang aniya ng pagpasok sa Gabinete ng pangulo, isa na itong pahiwatig na sang-ayon sila sa mga programa at plataporma ni Duterte.
Matatandaang ilang polisiya na ng pangulo ang hindi sinasang-ayunan ni Robredo kabilang na ang diskarte ng administrasyon sa pagpuksa ng problema sa iligal na droga sa bansa, at ang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.