Japanese PM Shinzo Abe, bibisita sa Pearl Harbor

By Kabie Aenlle December 06, 2016 - 04:27 AM

 

Tutungo sa Pearl Harbor si Japanese Prime Minister Shinzo Abe kasama si US President Barack Obama sa katapusan ng buwang ito.

Dahil dito, si Abe ang kauna-unahang lider ng kaniyang bansa na pupunta sa Pearl Harbor na isang US naval base na inatake ng Japan noong 1941 na nag-sanhi ng World War II.

Inanunsyo ang nasabing plano ni Abe, dalawang araw bago ang ika-75 anibersaryo ng nasabing pag-atake, at anim na buwan matapos bisitahin ni Obama ang memorial sa Hiroshima para sa mga biktima ng atomic bombing ng US noon sa parehong digmaan.

Si Obama rin ang kauna-unahang lider ng kaniyang bansa na bumisita sa lungsod ng Hiroshima sa Japan.

Sa isang maiksing pagharap sa media, sinabi ni Abe na bibisita siya sa Hawaii sa December 26 at 27 upang ipagdasal ang mga nasawi sa giyera sa Pearl Harbor, at magkaroon rin ng huling pakikipagpulong kay Obama bago matapos ang termino nito.

Apela ni Abe, hindi na dapat maulit ang ganoong klase ng trahedya dahil sa digmaan.

Sa pagtungo niya sa Pearl Harbor, nais ni Abe na iparating ang kaniyang pangako kasabay ng kaniyang “message of reconciliation” sa pagitan ng Japan at US.

Mahigit 2,300 na US servicemen ang nasawi sa naturang aerial attack sa Pearl Harbor, na gugunitain sa isang seremonya sa Miyerkules sa pamamagitan ng sandaling katahimikan ganap na 7:55am, ang oras ng pag-atake ng Japan sa kanilang unang target.

Natapos ang giyera makalipas ang tatlong taon, matapos bombahin ng US ang Hiroshima noong August 6, 1945 at ang Nagasaki noong August 9, 1945. Sumuko na ang Japan makalipas ang anim na araw.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.