CGMA, itinangging inalok ng DFA post

arroyo-congressItinanggi ni dating pangulo at ngayo’y Cong. Cloria Macapagal-Arroyo na inalok siya ni Pangulong Rodrigo Duterte ng posisyon na maging Foreign Affairs secretary.

Giit ni Arroyo, walang anumang inalok na posisyon sa Gabinete sa kaniya si Duterte.

Naging tipid naman sa mga detalye si Arroyo kaugnay sa naging pagpupulong nila ni Duterte, pero ibinunyag niya na ipinakita sa kaniya ng pangulo ang listahan nito ng mga narco-politicians.

Bukod dito, nabanggit ni Arroyo na nakausap niya si Duterte na itinuturing niyang kaibigan, tungkol sa patuloy niyang pag-kontra sa panunumbalik ng parusang bitay sa bansa.

Ani Arroyo, sinabi na niya ito sa pangulo at wala namang problema si Duterte kung hindi masusuportahan ng mambabatas ang nasabing panukala.

Matatandaang si Arroyo ang nag-pasa ng batas na nagpapatigil sa parusang bitay noong siya pa ang pangulo, at pinalitan na lamang ito ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong.

Dagdag pa ni Arroyo, kinikilala niya na si Duterte ang pangulo at hindi siya.

Hindi man aniya siya sang-ayon sa panukalang ito, nais naman niyang mag-tagumpay ang administrasyon at si Duterte na ang bahala kung paano ito gagawin.

Read more...