Sinabi ni Arroyo na “inevitable” o hindi naman na talaga maiiwasan na mangyari ang pag-alis kay Robredo sa Duterte cabinet dahil maraming isyung hindi napagkakasunduan ng pangulo at ikalawang pangulo.
Dagdag ni Arroyo, hindi na dapat na punahin pa ang paraan ng pagpapadala ng mensahe ng Presidente kay Robredo na huwag nang dumalo sa cabinet meeting, sa pamamagitan ng text ni Secretary Jun Evasco.
Paalala ni Arroyo, hindi na bago ito dahil noong siya’y Presidente ay nagsibak din siya ng isang mataas na opisyal sa pamamagitan ng text.
Dagdag ni Arroyo, noong siya’y Bise Presidente ay umalis din siya sa gabinete ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil hindi na silang nagkakaintindihan at bunsod na rin ng clamor ng publiko.
Samantala, pinabulaanan rin ni Arroyo na may alok sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte na pwesto sa gabinete.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Arroyo na walang ini-aalok sa kanyang anumang cabinet position, taliwas sa mga naglabasang balita na ipu-pwesto siya bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs.
Dagdag pa ni Arroyo, ni-hindi nila napag-usapan ang posisyon sa gabinete nang magpulong sila ni Pangulong Duterte sa Malakanyang kamakailan.