Investor’s visa ni Jack Lam, kinansela
Kinansela na ng Bureau of Immigration (BI) ang investor’s visa ng gaming tycoon na si Yon Lok Lam o Jack Lam.
Ayon kay Immigration Chief, Jaime Morente, kinansela ang visa ni Lam habang isinasagawa ang imbestigasyon deportation at posibleng pagsasampa ng kaso laban dito dahil sa kontrobersyang kinasasangkutan ng kanyang Fontana Leisure Parks and Casino sa Pampanga.
Bukod dito, nagpalabas na rin ang Department of Justice ng look-out bulletin order laban kay Lam.
Nakalabas na ng bansa si Lam bago pa man ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa kanya dahil sa economic sabotage at attempted bribery.
Inilabas ni DOJ Sec. Vitaliano Aguirre ang look-out bulletin order isang araw matapos ipagtanggol ang utos na warrantless arrest ni Duterte kay Lam.
Ayon kay Aguirre, malakas ang posibilidad na umalis ng bansa si Lam para takasan ang mga kaso na maaari niyang kaharapin dahil sa illegal gaming operations sa bansa.
Inilabas aniya nila ang look-out bulletin order para ma-monitor ang mga flight itinerary, biyahe at kinaroroonan ni Lam at sakaling bumalik ito ng bansa, ay agad itong maaaresto base na rin sa utos ni Pangulong Duterte.
Nakasaad din sa look-out bulletin na inaatasan nito ang lahat ng immigration officers na agad ipagbigay alam sa DOJ o sa PNP sakaling ma-monitor si Lam na pumasok sa anumang international airport at seaport sa bansa.
Batay sa rekord ng Bureau of Immigration, nakalabas ng bansa si Lam noong November 29.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.