Pagharap ng misis na nagdawit kay Supt. Marcos sa pagpatay sa kanyang mister, aabangan sa senate hearing
Isa sa mga aantabayanan sa magaganap na senate hearing ngayong araw ang paglantad ni Mylene Son, ang maybahay ng napatay na si Chief Inspector Jesus Son, na direktang nagtuturo kay Supt. Marvin Marcos sa pagpatay sa kanyang asawa.
Si Mylene ang nagsabi na noong September 15, isiniwalat sa kanya ng mister na nais siyang ipapatay ni Supt. Marvin Marcos dahil hindi nito tinupad ang ‘project’ na pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa.
Matapos tumanggi umano ng kanyang asawa na gawin ang nais na mangyari ni Supt. Marcos, tinambangan ito noong September 16 ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Ngayong araw, haharap muli sa pagdinig sa Senado ang ilang personalidad at opisyal ng PNP kaugnay sa pagpatay kay Albuera Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. noong November 5 sa loob ng Baybay sub-provincial jail ng mga tauhan ng CIDG Region-8
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, pinuno ng senate inquiry, malaki ang takot ng pamilya ni Mylene Son kay Supt. Marcos.
Kung magiging ‘material’ aniya ang mga isisiwalat ni Mylene, maari niya itong irekomenda na isailalim sa Witness Protection Program (WPP).
Pagpapaliwanagin rin niya aniya si PNP Chief Ronald Dela Rosa kung bakit nito pinalaya ang grupo ni Supt. Marcos mula sa kanilang kustodiya.
Masyado aniyang malabnaw ang dahilan ni Dela Rosa na ‘humanitarian reasons’ ang dahilan kung bakit niya pinalaya ang mga naturang tauhan ng CIDG Region-8.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.