Hindi lang ang mga teritoryo sa West Philippine Sea ang pinag-aagawan ng Pilipinas at China kung maging ang pagho-host sa FIBA World Cup sa taong 2019.
Sa Final presentation ngayong araw na nagaganap sa bansang Japan kapwa nagpadala ang China at Pilipinas ng kani-kanilang sporting icons. Si NBA Superstar Yao Ming para sa China at si eight-division World Boxing Champion Manny Pacquiao naman para sa Pilipinas.
Si Yao ang mangunguna sa Chinese delegation habang si Pacquiao ay bahagi ng strong Philippine contingent na layong makumbinse ang 23-man Fiba Central Board na sa Pilipinas ibigay ang hosting rights para sa susunod na FIBA World Cup.
Puspusan na rin ang kampanya sa twitter ng mga atleta, mga pulitiko at mga artista bilang pagpapakita ng suporta upang sa Pilipinas maidaos ang FIBA world Cup.
Gamit ang hashtag na #PUSO2019 kani-kaniyang post ng panalangin at apela sa twitter ang mga atleta lalo na ang mga PBA players.
Ngayong gabi inaasahang malalaman ang desisyon ng FIBA kung sa Pilipinas o sa China ba nito ibibigay ang hosting rights para sa 2019 World Cup./ Dona Dominguez-Cargullo