Watchdog group, nakiusap na seryosihin ang banta ng terorismo sa bansa

PNP patrolHinimok ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment o FATE ang taumbayan na maging alerto at mapagmatyag sa paligid kasunod ng pagtataas ng Philippine National Police sa Terror Alert Level 3 ng buong bansa dahil sa banta ng terorismo, iyan ay kasunod nang pagkakadiskubre ng pampasabog malapit sa embahada ng Estados Unidos sa Maynila kamakailan.

Mas mainam ayon sa FATE, kung makikiisa ang lahat sa pagbabantay lalo na sa mga matataong lugar o mga vital installation na madalas puntiryahin ng mga nagnanais maghasik ng gulo o terorismo.

Ngayon, mismong ang PNP na anila ang nagsabi na may seryosong banta ng terorismo sa buong bansa ay dapat magsama-sama ang sambayanan para mapigilan ang anumang pananabotahe sa peace and order.

Nanawagan din ang grupo sa mga tagapamahala ng mga mall, palengke, bus terminals at mga pasyalan na karaniwang pinupuntahan ng mga tao na paigtingin ang security protocol sa kanilang mga nasasakupan.

Kasabay nito ay nakiusap din ang grupo sa mga mananakay ng mga public transport o commuter system katulad ng MRT at LRT na sumunod sa ipinatuupad na mahigpit na security measures alang-alang sa kaligtasan ng lahat.

Ayon sa FATE, sa panahong ganito kung saan nahaharap ang bansa sa banta ng terorismo ay kritikal ang pagiging alerto ng bawat indibiduwal.

Read more...