Armed Forces of the Philippines, dapat na tutukan nang husto ang external threat sa pambansang seguridad
Binatikos ni dating National Security Adviser at former Paranaque City Rep. Roilo Golez ang Armed Forces of the Philippines dahil sa aniya ay maling tactical measures para sa pagpapalakas ng lakas pang-militar ng Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Golez na mas dapat tutukan ng militar sa kasalukuyan ang external threat kumpara sa internal conflict na kanilang pinaghahandaan.
Ayon sa dating mambabatas, “Hindi na problema ang Moro Islamic Liberation Front at New People’s Army kaya mas dapat na pinaghahandaan ng militar ang unti-unting pagkuha ng China sa ating mga dating sakop na lugar sa West Philippine Sea”.
Ipinaliwanag din ni Golez na mali ang priority ng AFP dahil mas inuna pa ang pagbili ng may walumpung libong piraso ng combat helmets kumapara sa dating ipinagmamalaki ng Defense Department na mga bibilhing Off-Shore Defense System na pantapat sa pwersa ng ibang bansa tulad ng China.
Samantala, pinuri naman ng dating opisyal ang sama-samang pagkondena ng mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa nagaganap na reclamation sa West Philippine Sea. Isa aniya itong malaking development sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon kay Golez, malinaw na nakuha ng China ang mensaheng gustong iparating ng ASEAN.
Iyon daw ang dahilan kung bakit iginigiit ng China na kailangang isa-isang makipag-usap sa kanila ang mga claimant countries ng Spratly Islands.
Bukod sa Pilipinas, stakeholders din sa South China Sea, West Philippine Sea at East China Sea disputes ang Malaysia, Brunei, Taiwan, Vietnam, Laos, Myanmar, Cambodia, South Korea, Japan at China.
Sa kasalukuyan ay tinatapos na ng mga bansang kasapi sa ASEAN ang magiging draft ng kanilang position paper kaugnay sa ginagawang pananakop ng China sa mga disputed islands sa rehiyon./Den Macaranas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.