ERC officials na iniimbestigahan pinakiusapan na magbakasyon muna
Pinayuhan ni Energy Secretary Alfonso Cusi si Energy Regulatory Commission chairman Jose Vicente Salazar na mag-leave muna sa trabaho habang isinasagawa ang imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa ahensiya.
Lumutang ang umano’y korapsyon matapos makita sa suicide notes ni Director Francisco Villa Jr bago ito nagpakamatay.
Nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang ERC at humingi ng kopya ng mga dokumento dahil aniya, hindi maaaring ang suicide notes lang ang pagbabasehan ng imbestigasyon.
Kamakailan, sinabi ni Salazar na nakiusap ito na magkaroon ng pagpupulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte upang linawin ang mga alegasyong kinakaharap ng ahensiya.
Ngunit sa inagorasyon ng Palm Concepcion Power Plant noong November 28, sinabi ng pangulo na nais nitong buwagin ang ERC kung hindi magbibitiw sa pwesto ang mga opisyal bunsod ng naturang kontrobersiya.
Ayon kay Cusi, naiintindihan nito ang naging reaksyon ng pangulo dahil sa mahigpit na kampanya kontra korapsyon.
Ngunit giit ng Energy secretary, hindi basta-basta maaaring buwagin ang ahensiya dahil nabuo ito base sa Electric Power Industry Reform Act.
Marami din aniyang ikonsidera sa mga obligasyon ng ahensiya kasama ang mga mamimili at investors.
Dagdag pa nito, kailangang may pumalit sa ahensiya kung tuluyan mang bubuwagin ang ERC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.