Sa kabila ng pagtatapos ng engkwentro sa pagitan ng Phiippine Army at Maute Group ay hindi pa rin makakabalik ang mga residente sa kanilang tirahan sa bayan ng Butig sa Lanao del Sur.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao Vice Governor Al Rashid Lucman, kailangan munang hintayin ng mga residente ang clearance mula sa militar bago makabalik sa kaniya-kaniyang tirahan.
Paliwanag ni Lucman, hindi pa tiyak ng militar kung ligtas na mula sa mapanganib na armas partikular sa mga lugar na inokupa ng nasabing terror group.
Nagsimula aniyang mag-abot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa 2,540 na pamilya sa mga evacuation centers sa Butig at bayan ng Lumbayanague.
Ayon pa sa opisyal, nagdulot rin ng trauma ang nangyaring engkwentro sa mga bata.
Magsasagawa aniya ng medical missions ang ARMM government bilang aksyon sa sitwayson ng mga ito.
Samantala, nakiusap naman si ARMM Governor Mujiv Hataman sa militar na manatili sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.