CPP, nagbantang wawakasan na ang ceasefire kung hindi tutupad sa usapan ang pamahalaan

CPP-NPANagbabala ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa administrasyong Duterte na wawakasan na nila ang pinaiiral nilang unilateral ceasefire at muling pasisiklabin ang pagre-rebelde sa pamahalaan.

Ito ay kung hindi pa rin matutupad ng pamahalaan ang hinihiling nilang pagpapalaya sa nasa mahigit 400 na mga political prisoners.

Sa pahayag na inilabas ng CPP, naghihintay pa rin nila na tuparin ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nitong pagpapalaya sa 432 na political prisoners, tulad ng nakasaad sa kanilang joint statement sa Oslo noong Agusto.

Sakaling hindi anila tuparin ng gobyerno ang kanilang pangako, magreresulta ito ng pagbagsak ng kanilang pinaiiral na unilateral ceasefire, at isasara na rin nila ang pinto sa posibilidad ng bilateral ceasefire.

Sa ngayon ayon sa CPP, hinahabaan pa nila ang pasensya nila sa administrasyong Duterte at binigyan nila ito ng hanggang Enero para tuparin ang kanilang napag-usapan.

Dagdag pa nila, ang pagtupad ng pamahalaan sa napag-usapan ay sasalamin sa kung paano nito kayang panindigan ang kanilang mga binibitiwang salita.

Tinanggihan naman ng CPP ang plano ng pamahalaan na magpalaya lamang ng 50 political prisoners hanggang sa pagtatapos ng taong ito.

Giit nila, ang pagpapalaya sa 432 na preso ang tanging magiging daan lamang para maisakatuparan ang kanilang mga kasunduan.

Read more...