Pangulong Duterte, inaming siya ang nag-utos kay Gen. Bato na ‘wag tanggalin si Supt. Marcos
Inamin na ni Pangulong Rodrigo Duterte na inutusan niya si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go tawagan si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa.
Ito ay para atasan si Dela Rosa na huwag tanggalin si Supt. Marvin Marcos bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8.
Sa isang ambush interview, ipinaliwanag ng pangulo na mayroon siyang ginagawang imbestigasyon kay Marcos ukol sa partisipasyon nito sa iligal na droga.
Kapag nawala aniya si Marcos sa eksena, hindi na niya mausundan ang takbo ng operasyon ng iligal na droga.
“Ganito yan, si Bong inoderan ko, call. By the time pinasa niya, ang sumagot si (PNP Chief) Dela Rosa. Sabi ko, do not remove the guy because kasali yan sa… I am doing an investigative job. Natapos na yun,” ani Pangulong Duterte.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado, itinuro ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa na kabilang si Marcos sa binibigyan niya ng protection money o payola mula sa iligal na droga.
Ang mga tauhan din ni Marcos ang nakapatay sa ama ni Espinosa na si Albuera Mayor Rolando Espinosa sa isang operasyon na isinagawa nila laban dito sa Baybay Sub-Provncial Jail.
Samantala muling inabeswelto ng pangulo si PNP Region 8 director Chief Supt. Asher Dolina, pagkakasangkot sa iligal na droga, taliwas sa unang sinabi ni Kerwin na tumatanggap ang nasabing opisyal ng pulis ng payola mula sa kaniya.
“Si Dolina was cleared. Marcos, positive. Kasi I was keeping track of his movements. Alisin mo ako doon, mawala bigla ang… Mawala lahat. Hindi ko masundan. Ano na ngayon gagawin kay Marcos now that you’re saying positive siya?” dagdag pa ng pangulo.
Ayon sa pangulo, ngayong positibo nang sangkot si Marcos na kalakalan ng iligal na droga, kailangan nitong harapin ang mga kasong isasampa sa kanya.
“He has to face the charges. But ngayon, pwede nang… Let him maintain the right to be heard,” giit ni Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.