Limitasyon sa mga produktong mangangailangan ng clearance ng FDA at DOH, mahigpit nang ipatutupad ng Customs

Photo from BOC
Photo from BOC

Mahigpit nang ipatutupad ng Bureau of Customs (BOC) ang polisiya na nagpapataw ng limitasyon sa dami o bigat ng mga produktong binibili sa ibang bansa at iuuwi dito sa Pilipinas.

Kung ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) ay magbabakasyon sa Pilipinas lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan, sinabi ng Customs na hindi pwedeng lumagpas sa sampung pirasong laruan ang pwede niyang bilhin abroad na iuuwi dito sa bansa.

Kung hihigit sa sampu ang iuuwing laruan, kailangan nang kumuha ng clearance mula sa Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH).

Sa nasabing polisiya na ayon sa BOC ay taong 2015 pa umiiral, may mga produktong binibili sa ibang bansa na pwede lang ipasok sa Pilipinas kung ito ay “for personal use” o ‘di kaya ay pasok sa pinapayagang dami o bilang.

Kung pabango halimbawa ang binili sa ibang bansa, limang piraso lamang ang pwedeng dalhin sa Pilipinas nang hindi mangangailangan ng clearance sa FDA at DOH.

Sa lipstick at laruan, sampung piraso lang ang pinapayagan.

Kung shampoo, lotion at bar soap, tigda-dalawang kilo lang ang pwedeng iuwi sa Pilipinas, at kung hihigit ay dapat may clearance na mula FDA at DOH.

Isang kilo naman ang pwede para sa assorted cosmetics, limang kilo para sa childcare articles at limang kilo din para sa mga hazardous household substance gaya ng detergent, fabric conditioners, diswashing at iba pa.

Ang nasabing polisiya ayon sa customs ay umiiral para sa produktong nasa passenger baggage, balikbayan boxes o parcels na ipinadadala sa pamamagitan ng delivery service.

Anumang produktong lalagpas sa itinakdang limit at walang clearance ay maaring kumpiskahin.

 

Read more...