DOH mamimigay ng condom sa mga estudyante

 

Richard A. Reyes/PDI

Simula sa susunod na taon, magsisimula nang mamigay ng mga condom ang Department of Health sa mga paaralan.

Bukod dito, hihilingin na rin ng DOH sa mga magulang na ituro kung paano ipairal ang ‘safe sex’ sa kanilang mga anak.

Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, kanilang binabalangkas na ang stratehiya kasama ang Department of Education kung paano isasama sa aralin ng mga bata ang tamang counseling upang mabawasan ang mga kaso ng HIV at AIDS sa bansa.

Kinakailangan aniya na maibaba hanggang sa ‘household at community level’ ang pagbibigay leksyon sa mga mamamayan upang hindi na tumaas ang kaso ng HIV at AIDS.

Payo pa Ubial sa mga magulang, huwag nang gawing paliguy-ligoy pa ang pagpapaliwanag ukol sa ligtas na pakikipagtalik sa mga kabataan upang mas ganap itong maintindihan.

Sa pinakahuling tala, simula 1984 hanggang October 2016, umaabot na sa 38,114 kaso ng HIV sa bansa.

Kabilang sa mga naapektuhan ay mga nasa edad 15 hanggang 24 na taong gulang, ayon sa DOH.

Kahapon, ginunita ang 2016 World AIDS Day.

Read more...