Duterte: Pederalismo, tanging sagot sa problema ng mga Moro
Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pederalismong uri ng pamahalaan ang tanging paraan para masagot na ang problema ng mga Moro sa Mindanao.
Sa pagharap niya sa hindi bababa sa 116 na mga alkalde at gobernador na dumalo sa local government summit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sinabi ni Duterte na ang dahilan ng pagdurusa ay dahil sa kawalan ng “cohesive actions” sa pagitan ng mga Moro at ng pamahalaan.
Maraming beses na aniyang sinubukan ang pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa sa mga Bangsamoro, ngunit lahat ng ito ay pumalya.
Imbes aniya na mag-resulta ng pagkakaisa ang lahat ng mga isinagawang pulong at pakikipagtalakayan, lalo lamang aniya ito nagsanhi ng hidwaan.
Kaya naman sa pananaw ni Pangulong Duterte, tanging pederalismo na lamang ang katanggap-tanggap na solusyon para sa mga Moro.
Sakali aniyang hindi ito ang gamiting solusyon, mauuwi rin lang ito sa bakbakan.
Samantala, lumagda rin kahapon ang mga dumalo sa nasabing summit sa isang manifesto na nagpapahayag ng suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga, pati na sa pag-kondena sa terorismo.
Una nang hinimok ni ARMM Gov. Mujiv Hataman ang mga lokal na opisyal na manguna sa kampanya laban sa terorismo sa kani-kanilang mga lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.