Inilikas mula sa South Pole ang dating astronaut at ang pangalawang lalaking nakalakad sa buwan na si Buzz Aldrin dahil sa kadahilanang pang-medikal.
Ayon sa post ng International Association of Antartica Tour Operators sa kanilang website, ang 86-anyos na si Aldrin ay kasama sa private tourist group na bumisita sa South Pole, ngunit biglang humina ang lagay ng kaniyang kalusugan.
Bilang pag-iingat, agad na isinakay si Aldrin sa unang available na flight sa McMurdo Station na isang US research center sa Antartic Coast.
Ayon sa National Science Foundation na namamahala sa US Antartic program, may sakit si Aldrin at nanghihina na kaya naman agad siyang isinakay sa ski-equipped na LC-130 cargo plane patungong McMurdo.
Mula doon, ililipad si Aldrin papunta naman sa New Zealand.
“Stable” naman na anila ang kalagayan ni Aldrin, na kilala sa pagiging pangalawang taong naglakad sa buwan noong 1969 bilang bahagi ng US Apollo 11 mission.