Nabawi na ng tropa ng pamahalaan ang lumang munisipyo na kinubkob ng mga bandidong miyembro ng Maute terror group sa Butig, Lanao del Sur.
Ito ang kinumpirma sa Radyo Inquirer ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo.
Ayon kay Arevalo, ikinatuwa ni AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya ang pagkakabawi sa lumang munisipyo kasabay ang pasasalamat sa sakripisyo ng kanyang mga sundalo.
Kaugnay nito, nanawagan naman ng suporta at kooperasyon si Visaya sa publiko upang tuluyan nang mapuksa ang teroristang grupo.
Dapat umanong maging mapagmatyag ang mamamayan at magbantay laban sa teroristang grupo
Samantala, ayon naman kay AFP Wesmincom Spokesman Maj. Felimon Tan, sa kabuuan ay nabawi na ng militar ang Brgy. Poblacion sa Butig na kinubkob ng Maute terror group mula pa noong Sabado.
Sa ngayon, umaabot na umano sa 61 ang napapatay na mga miyembro ng Maute terror group habang nasa 12 ang sugatan.
Mayroon naman 35 ang naitalang wounded in action sa panig ng militar ayon kay Arevalo.