Walang balak ang pangulong Rodrigo Duterte na makipag giyera sa Maute Group.
Ito ay kahit na umiinit ang bakbakan ng nasabing bandidong grupo at tropa ng militar sa Butig, Lanao Del Sur.
Sa ambush interview sa bayan ng Butig, sinabi ng pangulo na hindi niya tinatakot ang mga kasapi ng Maute Group.
Pero dapat aniyang ihinto na ng grupo ang opensiba laban sa militar.
Umaasa ang pangulo na hindi pupuwersahin ng Maute Group ang kanyang kamay na maglunsad ng giyera laban sa grupo.
Sa ngayon ayon sa pangulo, pinipilit niyang pinipigilan na magkaroon ng giyera sa pagitan ng Maute Group at militar.
Noong Sabado ay nilusob ng grupong kaalyado ng ISIS ang lumang Muninicipal Hall ng Butig kung saan ay itinaas pa nila ang watawat ng Islamic State.
Nauna nang sinabi ng militar na mahigit na sa 40 mga kasapi ng Maute Group ang kanilang napatay simula ng maglunsad sila ng operasyon sa lugar.