Panukalang total ban sa paputok, hindi maihahabol bago mag-Bagong Taon
Inamin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na malabong maihabol ng Kongreso ang pagpapatibay sa panukalang tuluyang magbabawal sa paggamit ng paputok tuwing Bagong Taon.
Paliwang ni Alvarez, imposible nang maipatupad ang total ban sa paputok ngayong paparating na New Year dahil masyado nang kapos ang panahon ng mga mambabatas.
Pero sinabi ni Alvarez na personal siyang pumapabor sa total ban sa paputok gaya ng posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naniniwala ang house speaker na masyado nang malaki ang ginagastos ng gobyerno tuwing nagpapalit ng taon.
Sa katunayan, kasama ito sa taunang budget ng mga ospital ng pamahalaan kada taon, dahil sa dami ng mga biktima ng paputok sa kabila ng paulit-ulit na paalala.
Nakakapanghinayang aniya dahil maaaring magamit ang pondong ito sa ibang mas kapaki-pakinabang na programa ng gobyerno.
Para naman sa mga mawawalan ng trabaho kung maipagbabawal ang mga paputok, sinabi ni Alvarez na maaaring bigyan ang mga ito ng ibang hanapbuhay na labas sa industriya ng mga paputok at mas matitiyak pa ang kanilang kaligtasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.